Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Miyerkoles na mayroon 17 Filipino na nakaalis ng Ukraine ang nakatakdang dumating sa Pilipinas.

Sa panayam ng Dobol B TV, sinabi ni Bello na ang 17 Pinoy ay inilipad mula sa Poland, matapos na mailikas sa Ukriane na patuloy na sinasalakay ng Russia.

Pinuri ni Bello si Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., dahil sa personal nitong pagsundo sa mga Pinoy sa Lviv, Ukraine.

“Bilib ako. Nakita ko. Biro mo, sinundo niya yung 17 from Lviv, papunta sa border ng Poland. And from Poland, nilipad sila. Parating na yung 17 na kababayan natin,” ayon kay Bello.

Sinabi rin ni Bello na may mga Pinoy na ayaw pang umuwi ng Pilipinas.

Nananatili umano ang mga ito sa Ivano-Frankivsk sa Ukraine, at naghihintay na humupa ang sitwasyon.

Nitong February 18, anim na Filipino ang nakauwi rin mula sa Ukraine.
Mga Pinoy sa Moldova

Samantala, 21 Filipino seafarers naman na mula sa Ukraine ang ligtas na nakarating sa border ng Republic of Moldova, ayon sa DFA.

Ang all-Filipino crew ng MV S-Breeze mula sa Chornomosk, Ukraine ay ibiniyahe sa tulong ng Philippine Honorary Consul sa Moldova Victor Gaina at koordinasyon ng Philippine Embassy sa Budapest.

Dumating umano ang Pinoy seafarers sa Moldova sa dalawang grupo noong February 27 at March 1. --FRJ, GMA News