Inihayag ng isang opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nananatiling malaking pagsubok ang paglilikas ng mga Pinoy seafarer mula sa Ukraine na patuloy na sinasalakay ng Russia.
Sa Laging Handa briefing nitong Lunes, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia na mahigit 100 tripolanteng Pinoy na nasa Ukraine ang mga barko ang nauwi na sa Pilipinas. Mayroon pa umanong 140 na darating sa bansa.
Gayunman, mayroon pa umanong mahigit 200 Pinoy crew members ang nasa kanilang mga barko at inaasikaso pa ang kanilang repatriation.
“Ang challenge po natin ngayon ang mga seafarers kasi mahigit 470 po ‘yung affected seafarers na ‘yung kanilang vessels ay nakadaong doon po sa lugar ng isla ng giyerahan,” ani Olalia.
Sa isang tweet, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, na 25 tripolante ang naiuwi sa bansa nitong Sabado.
Hanggang noong Marso, sinabi ni Arriola na 323 Filipino na mula sa Ukraine ang natulungan.
Sinabi ni Olalia na magkakaloob ang pamahalaan ng financial aid na $200 sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na iniuwi sa Pilipinas mula sa Ukraine.
Nakahanda rin umano ang POEA na tulungan ang mga umuwing OFWs para makahanap ng ibang trabaho.
“Sa ngayon, pinaka-importante sa kanila muna yung makapiling yung kanila mahal sa buhay ngayon kasi kakarating lang din po nila. Hayaan muna natin silang ma-reintegrate dito sa ating bansa,” ani Olalia.
“Kapag ready na po sila at nais na nilang magtrabaho muli, tutulong ang ating ahensya para hanapan sila ng trabaho,” dagdag niya.
Dahil sa kaguluhan sa Ukraine, nagpatupad ang pamahalaan ng Pilipinas ng deployment ban ng mga OFW sa nasabing bansa. — FRJ, GMA News
