Nanawagan si Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez sa mga awtoridad sa United States na paigtingin pa ang kampanya kontra-hate crimes matapos na ilang Pinoy doon ang nabiktima ng pananakit nang walang dahilan.

Inihayag ito ni Romualdez sa panayam ng Super Radyo dzBB, matapos na dalawang Pinoy ang magkasunod na inatake sa midtown Manhattan kamakailan.

Sa unang tatlong buwan ng 2022, umabot na sa anim na Pinoy ang nabiktima ng pananakit.

Dahil sa naturang mga insidente, naunang sinabi ni Philippine Consulate General in New York General Elmer Cato, na natatakot na ang ibang Pinoy na maglakad na mag-isa o sumakay sa subways kung saan madalas mangyari ang mga pag-atake sa mga lahing Asyano--kabilang na ang mga Filipino.

Ayon kay Romualdez, maraming Filipino ang nagdadala na lang ng kanilang sasakyan o sumasakay ng taxi kahit napapagastos sila sa mahal na parking fee at pamasahe.

“Pero hindi puwedeng ganon lagi na lang. So we’re doing what we can to help them also. Talagang pino-force natin ‘yung mga police at law enforcement na kailangan medyo bigyan naman nila itong tumataas na hate crimes,” ani Romualdez.

Sinabi ng embahador na kapag nakumpirmang hate crimes ang dalawang huling insidente sa mga Pinoy, magpapadala siya ng diplomatic note sa State department para hilingin na magpatupad ng mga bagong hakbang upang paigtingan ang kanilang pagbabantay.

Kabilang umano rito ang paglalagay ng mga undercover agent para matiyak ang seguridad ng mga Pinoy, lalo na sa subway.

“Diyan sa subway talagang delikado talaga. Maraming nangyayaring insidenteng ganyan hindi lang sa mga Asian. Mga medyo may problema sa buhay, bigla na lang tinutulak nila ‘yung mga nakikita nila na nakatayo lang diyan. ‘Yan ang nakakatakot,” anang opisyal.

Ayon pa kay Romualdez, may kinalaman ang COVID-19 pandemic kaya may mga Amerikano na nakagagawa ng hate crimes dahil marami sa kanila ang nawalan ng trabaho.

Inaakala umano ng mga ito na ang mga Asyano ay pawang nanggaling sa China na unang pinagmulan ng COVID-19 case.

“Actually ang nagpaakyat ng hate crimes dito sa America itong COVID. Talagang maraming siyempre frustrated dahil dalawang taon mahigit... magtatatlong taon na naghihirap ang mga tao. In the sense na maraming nawalan ng trabaho, mga frustrated," ani Romualdez.

"Ang mga Amerikano, hindi sila sanay sa ganitong buhay na hindi sila makalabas o makagalaw. Hirap na hirap sila sa ganiyang sitwasyon. Ang tinitingnan nila ang galing talaga sa China pero ang tingin nila lahat ng Asian ay nagdala ng virus,” dagdag niya.

Maliban sa mga self-defense webinars, may makikita ring “Stop Asian Hate” posters sa consular office sa New York.

Magsasagawa ng rally ang mga Filipino at Asian community sa Manhattan para kondenahin ang mga nangyayaring pag-atake.—FRJ, GMA News