NEW YORK - Panalo sa isinagawang primary election nitong Martes (Miyerkoles sa PHL time) ang isang Filipino-American na magiging kauna-unahang may dugong Pinoy na posibleng maglingkod bilang assemblyman sa District 30 sa Queens, New York.
Si Steven Raga ang nanalo sa primary election para sa assemblyman ng District 30 na may sakop sa Woodside, Elmhurst, Sunnyside at Maspeth kung saan maraming Pinoy ang nakatira.
Nakuha ni Raga ang 70% ng mga boto, habang ang kanyang katunggali na si Ramon Cando ay nakakuha ng 30% lamang.
Sa Nobyembre 2022 gaganapin ang eleksyon kung saan makakalaban ni Raga ang magiging pambato ng Republican Party.
Ipinanganak si Raga sa Queens, New York pero bumalik siya sa San Pablo, Laguna nang magkasakit ang kanyang ama. Kinalaunan ay pumanaw ang kanyang ama.
Nagtapos ng political science sa Stony Brook University sa New York at master of arts sa international human rights law sa American University sa Cairo si Raga.
Nag-master's degree in public policy din siya sa Stony Brook University.
Naging intern si Raga sa Center for International Law sa Makati City at sa National Union of Peoples' Laywers sa Quezon City.
Sa Amerika ay naging community leader at miyembro siya ng iba't ibang organisasyon.
Naging New York state chairman siya ng National Federation of Filipino American Associations, at miyembro ng board of directors ng Pilipino American Unity for Progress at Filipino Children's Fund.
Kabilang din siya sa gumawa ng final report ng New Women Foundation para sa United Nations kaugnay sa domestic compliance of women’s rights.
Dati rin siyang chief of staff ni dating New York Assembly member Brian Barnwell.
Isa rin si Raga sa mga nagsulong para kilalanin ang bahagi ng Roosevelt Avenue sa Woodside, Queens bilang Little Manila.
Si Raga ay sinuportahan ng diverse community at ibat-ibang politiko sa kanyang election bid. —KG, GMA News

