Isang 69-anyos na Filipino-American sa Highland Park, California na bantay sa tindahan ang nasawi matapos na hampasin siya sa ulo ng electric scooter ng mga kabataang hinabol niya dahil sa pagnanakaw ng beer.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, kinilala ang biktima na si Steven Reyes.

Hinabol umano ng biktima ang mga kabataang kawatan pero isa ang pumalo sa kaniya ng e-scooter sa ulo.

Iniwan ng mga tumakas na suspek ang biktima na nakahandusay sa kalye. Isinugod si Reyes sa ospital ng mga nakakita sa kaniya pero binawian siya ng buhay.

Sinusuri na ng Los Angeles Police Department ang mga security camera footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng apat na salarin.

Nakikipagtulungan din umano sa imbestigasyon ang mga nakasaksi sa krimen.

“Just why? Was the six-pack of beer really worth it amongst you guys?” hinanakit ng anak ni Reyes na si Nelle.

“I just hope that they realize what they did and I really hope that this event would just change their life and I just wish them nothing but remorse and forgiveness,” dagdag niya.—  FRJ, GMA News