Naaresto na ng mga awtoridad ang isa sa apat na kabataang suspek sa pagkamatay ng isang 69-anyos na Filipino-American sa Highland Park, Los Angeles, California, na humabol sa mga nagnakaw ng beer pero hinataw siya ng electric scooter sa ulo.
Sa inilabas na pahayag ng Los Angeles Police Department nitong Huwebes, sinabing isang 13-anyos na Hispanic male ang suspek, na hindi pinangalanan dahil menor de edad.
Ayon sa pulisya, apat ang suspek na nagtangkang magnakaw sa tindahan na binabantayan ng biktimang si Steven Reyes.
"It was determined that four suspects, who appeared to be young in age, entered the business and several of them attempted to steal various items," saad sa pahayag.
"When a second store clerk attempted to stop the suspects a struggle ensued. The victim attempted to aid that clerk and suspect-1 struck the victim on his head with a scooter," anang pulisya.
Isang lalaki at dalawang babae na inilarawan na Hispanic teens ang hinahanap pa ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News

