Hinatulang ng korte sa Arizona, USA, ang isang Pinay dahil sa pagtatangka umano nitong patayin ang kaniyang mister na Amerikano sa pamamagitan ng paglason. Nabisto siyang nilalagyan ng bleach ang kape ng mister.

Dalawang taon na pagkakakulong ang naging parusa ng Superior Court sa Arizona laban kay Melody Johnson, 40-anyos, na inamin na tinangka niyang lasunin ang kaniyang mister na si Roby Johnson, miyembro ng US Air Force.

Batay sa court record, nilagyan umano ni Melody ng bleach ang kape ni Roby habang nasa bahay nila sa Tucson, Arizona.

Nahuli-cam ang ginawa ni Melody dahil sa security camera na inilagay mismo ni Roby.

Dati na umanong naghihinala si Roby na nilalason siya ng kaniyang misis kaya naglagay siya ng surveillance system sa kanilang bahay, na ginamit niyang ebidensiya sa korte.

Wala nang nagawa si Melody kung hindi umamin sa krimen kapalit ng mas magaang sentensiya.

Sa isang ulat ng Newsweek, hinihinala na ang benepisyong maaaring makuha ni Melody kapag namatay si Roby ang motibo sa tangka nitong paglason sa asawa.

Mayroong isang anak ang dalawa at sumasailalim sa divorce proceedings.

Wala pang pahayag si Melody kaugnay sa kaniyang kaso.— mula sa ulat ni Dave Llavanes/FRJ, GMA Integrated News