Isang Pinoy ang lumalabas na suspek sa isang karumal-dumal na krimen na nangyari noong 1991 sa Hawaii. Ang biktima, isang turista na dinukot, ginahasa at pinatay.
Ayon kay Hawaii Police chief Ben Moszkowicz, tinutukan ng imbetigasyon noon nakaraang buwan si Albert Lauro Jr., 57-anyos, matapos na lumitaw na bagong suspek sa brutal na pagpatay kay Dana Ireland, na mula sa Virginia at nagbabakasyon lang noon sa Hawaii.
Pero dahil sa kakulangan ng ebidensiya laban kay Lauro nang sandaling iyon, hindi maaresto ng mga awtoridad ang Pinoy.
Hanggang sa direkta at personal na kunan siya ng DNA sample na gagamitin bilang bahagi ng imbestigasyon. Pero apat araw makalipas nito, kinitil umano ni Lauro ang sariling buhay sa kaniyang bahay.
Gayunman, lumabas sa pagsusuri sa DNA na si Lauro talaga ang suspek sa pagdukot, paggahasa at pagpatay kay Ireland, na nakita ang bangkay noon bespiras ng Pasko sa Kapoho, Hawaii noong 1991.
Sa nagdaang 26 na taon, tatlong lalaki ang maling naakusahan na sangkot sa naturang krimen at nakulong. Ang isa sa kanila, napatay pa sa loob ng bilangguan.
Muling binuksan ang kaso nang mag-match ang DNA ni Lauro sa mga ebidensiyang nakuha sa crime scene, public records, at iba pang impormasyon. Ang unang resulta ng DNA ay mula sa
sample na hindi direkta o personal na kinuha sa kaniya.
Nang mangyari ang krimen, lumabas sa forensic examinations na nakatira si Lauro malapit sa lugar kung saan nakita ang katawan ni Ireland.
Hindi binanggit ni Moszkowicz ang detalye ng pagkamatay ni Lauro, pero sinabing patuloy pa ang imbestigasyon.
Sa isang ulat ng ABC News, sinabi ni Hawaii Police Department Capt. Rio Amon-Wilkins, na inaalam pa ang eksaktong kinalaman ni Lauro sa nangyari kay Ireland. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News