Dahil sobrang miss na ang kaniyang mga kamag-anak sa Pilipinas, lalo na ang kaniyang lolo at lola na nagpalaki sa kaniya, umuwi si Erica Cortes at kaniyang kapatid mula sa New Zealand para sopresahin at makasama sila ngayong Pasko.

Sa programang "Good News," napag-alaman na limang taong nang nagtatrabaho sa New Zealand ang ama ni Erica.

Ngunit dahil mahirap ang malayo sa pamilya na nasa Cebu, nagpasya ang ama na kunin na sila Erica upang magsama-sama na sila sa New Zealand.

Ayon kay Erica, maganda ang buhay sa New Zealand pero may panahon na naka-homesick lalo na sa mga unang buwan pagdating doon.

Subalit nangungulila sila sa alaga ng mga naiwan na kamag-anak sa Cebu, lalo na si Erica na lumaki sa pilang ng kaniyang lolo Edwin at lola Charise.

"Sobrang close po ako kina lolo at lola. Sa kanila po kami tumira kasama ang kaptid ni lola na si Mama Mae. Sila yung nagpalaki sa akin for 20 years," kuwento ng dalaga.

Ayon kay lolo Edwin, hindi pasaway at hindi matigas ang ulo nina Erica.

Dalawang taon matapos tumira sila Erica sa New Zealand, nagkaroon sila ng pagkakataon na makauwi sa Cebu kaya nagplano siyang sorpresahin ang kaniyang lolo at lola.

Kasabwat ang ilang kamag-anak, nagkunwari sina Erica na balikbayan box lang ang kukunin sa airport.

Pero pagdating ng van na sinakyan nina Erica sa bahay, doon na nagpakita sina Erica at kapatid niya sa kanilang lolo at lola.

Mahigpit na yakap ang kanilang tinanggap at may kasamang luha ng tuwa sa muli nilang pagkikita.

"Kung may chance lang na uuwi ako every Christmas mas pipiliin ko talaga na mag-Christmas dito," sabi ni Erica.

Ngayong kapaskuhan, piliing makasama ang mga mahal sa buhay habang may panahon pa at pagkakataon.-- FRJ, GMA Integrated News