Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na nahanap na ang dalawa pa sa apat na Pilipino na nasawi sa magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar noong March 28.

“‘Yung four na Filipino na namatay sa Myanmar Earthquake positively identified ng DNA natin,” mensahe ni NBI Director Jaime Santiago sa mga mamamahayag nitong Biyernes.

Nauna nang inihayag ng awtoridad na kinuhanan ng DNA samples ang mga labi ng dalawang pinaniniwalang Pinoy couple na iniulat na nawawala nang tumama ang lindol.

Ang naturang DNA samples ay ikinumpara naman sa DNA ng kani-kanilang mga kamag-anak.

Nauna nang nahanap at natukoy ang dalawang Pinoy na kasama nilang nasawi sa gumuhong condominium building na kanilang tinitirhan sa Mandalay.

Mahigit 3,000 tao ang nasawi sa naturang lindol na nakaapekto rin sa katabi nitong bansa na Thailand.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News