Nakumpirma ng Philippine Consulate General sa Los Angeles na may isang Pinoy na kabilang sa mga inaresto sa malawakang immigration operations na isinagawa ng United States federal authorities sa Los Angeles, California.
Ayon kay Philippine Consul General Adelio Angelito Cruz, dinakip ang naturang Pinoy sa kaniyang bahay sa isinagawang operasyon ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).
“Siya po ay naaresto dahil isa po ito sa operasyon ng ICE. So sa bahay po siya inaresto kasama po ang ICE official at parole officer,” pahayag ni Cruz sa GMA Integrated News’ Unang Balita nitong Martes.
Ipinaalam na umano ng konsulado sa pamilya ng naturang Pinoy ang nangyari.
Batay sa ulat mula sa US federal immigration authorities, 55-anyos ang naturang Pinoy na mula sa Ontario, California.
Ayon kay Cruz, dati nang nasentensiyahan ang naturang Pinoy sa kasong pagnanakaw at panghahalay.
Inaasahan ni Cruz na ipapa-deport ang inarestong Pinoy.
Nangako naman siya na bibigyan nila ng tulong ang Pinoy.
Sinimulan ang ICE operation noong Biyernes na nagresulta ng malawakang protesta sa ilang lugar sa Los Angeles.
Binatikos ng mga advocacy group at immigration rights supporters ang naturang operasyon na mapang-abuso umano at discriminatory.
May mahigit 2,000 National Guards na ang ipinadala sa sa Los Angeles para suportahan ang mga federal agents. Bukod pa sa ipadadalang nasa 700 Marines na ipadadala ng US military.
Ayon kay Cruz, wala silang namomonitor na Pinoy na sumasali sa mga protesta.
Utos ni Marcos
Kaugnay nito, iniutos ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., na kaagad na tulungan ang mga Pinoy na maaapektuhan ng malawakang immigration operations sa LA.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, sinusubaybayan ng pamahalaan ang naturang nangyayari sa LA.
''Sa ngayon po ang administrasyong Marcos, sa pamamagitan po ng DFA at ng Philippine Consulate sa L.A., patuloy pong mino-monitor ang mga recent immigration enforcement and protest,'' ani Castro.
''At ang tagubilin po ng Pangulo, bigyan ng assistance ang bawat Pilipino lalung-lalo na po kung sila po ay nakabase o nagtatrabaho sa ibang bansa. Pero pinapaalalahanan din po sila na sumunod po sa batas ng bansa kung saan po sila nakatira o nagtatrabaho,'' dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News
