Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakahanda itong tumulong sa repatriation ng mga Pilipino mula sa Middle East sa harap ng tensiyon doon, ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla.

“The Armed Forces of the Philippines is prepared to be in sync with other government agencies in terms of the role that the AFP will play in terms of repatriation,” sabi ni Padilla sa mga mamamahayag sa press briefing nitong Martes.

“So, we are ready to react swiftly, securely, and in sync with other government agencies on this,” dagdag niya.

May mga Pinoy na nakatakdang dumating sa bansa sa gabi ng Martes, matapos maantala ang kanilang flight nang pansamantalang suspendihin ang Qatari air traffic dahil sa ginawang pag-atake ng Iran sa US military base sa Doha, Qatar.

Sinabi rin ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroon pang 50 Pinoy na mula sa ME ang inaasahang maiiuwi sa bansa ngayong linggo.

Nitong nakaraang linggo, itinaas ng Pilipinas ang crisis alert sa level 3 sa Israel at Iran. Hinikayat ng pamahalaan ang mga Pinoy sa mga apektadong lugar sa nasabing mga bansa na umuwi na muna at sumailalim sa voluntary repatriation.— mula sa ulat ni Mariel Celine Serquiña/FRJ, GMA Integrated News