Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbubukas ang Austria ng karagdagang oportunidad sa trabaho para sa mga manggagawang Pilipino kasunod ng ginanap na pagpupulong upang paigtingin at palawakin ang labor cooperation ng dalawang bansa.
Sa isang pahayag ng DMW nitong Miyerkules, sinabing pinangunahan ni Secretary Hans Leo Cacdac, ang pakikipagpulong kay Minister Wolfgang Harttsmanndorfer ng Ministry of Economy, Energy, and Tourism ng Austria.
Ang naturang pagpupulong na ginanap sa Austria ay magbubukas umano ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino sa Austria.
Sa nasabing pagpupulong, parehong ipinahayag ng dalawang opisyal na lalo pang paigtingin at palawakin ang labor cooperation ng Pilipinas at Austria, alinsunod sa 2023 twin bilateral agreements hinggil sa pagre-recruit ng mga propesyonal at skilled workers, kabilang na ang mga nurse.
Ipinahayag umano ni Harttsmanndorfer ang interes ng Austria na palawakin pa ang pagkuha ng mga manggagawang Pilipino na hindi lang nasa health sector.
Ipinabatid umano ni Harttsmanndorfer ang kagustuhan na makipagtulungan sa DMW upang lumikha ng mga bagong oportunidad sa sektor ng caregiving, turismo, at hospitality sectors sa pamamagitan ng isang special hiring arrangement na titiyak sa makataong pagre-recruit at proteksyon sa mga manggagawa.
Malugod namang tinanggap ni Cacdac ang naturang pahayag ng opisyal na patunay umano ng tiwala at mataas na pagtingin ng Austria sa kakayahan ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, tinatayang 8,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nasa Austria, at may mahigit 700 na naipadala roon sa nakalipas na dalawang taon.—FRJ GMA Integrated News

