Magiging visa-free ang Oman para sa mga turistang Pilipino simula sa 2026, ayon sa Embahada ng Oman sa Pilipinas.

Sa pagdiriwang ng National Day ng Oman sa Makati nitong Miyerkules, sinabi ni Oman Ambassador to the Philippines H.E. Nasser Said Abdullah Al Manwari, na hindi na kakailanganin ng mga Pinoy ang visa kung bibisita sila sa Oman sa loob ng nasa dalawang linggo.

Sisimulan ang naturang bagong patakaran ng Oman sa pagbibigay ng visa sa 2026.

“This is the first country in the Middle East that will waive the visa for the Filipino people. So you can enjoy Oman anytime without visa. Next year, it will be around two weeks without visa,” pahayag ng embahador ng Oman.

Umaasa si Manwari na tataas ang bilang ng mga Pilipinong turista sa Oman sa naturang bagong patakaran sa visa.

“I think the number of the tourists will increase dramatically after the waiving of the visas of the Filipino,” saad niya.

Sa kasalukuyan, may direktang mga biyahe ang Maynila at Muscat. Gayunman, sinabi ni Manwari na tinitingnan na nila ang pagpapalawak ng mga opsiyon sa pagbiyahe.

“We are ready to increase the number of flights. There is a plan to have another direct flight to Cebu. It’s not only Oman Air, but we have other airlines. We are working on that, we are looking to increase the flights from Manila but the capacity of NAIA… maybe in the future, in the coming years,” patuloy niya.

Samantala, hinimok ng embahador ang publiko na bumisita sa Oman dahil sa kanilang pagiging “unique in the Middle East.”

“We have mountains, by the coast. We have sands… For our Filipino friends, please visit Oman. It is something amazing. It is unique in the Middle East,” ani Manwari.— Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News