Dakilang pagmamahal ang ipinakita nang isang ate nang ibuwis niya ang sariling buhay para sagipin sa pagkalunod ang bunso niyang kapatid na special child sa Pangasinan. Malungkot na pahayag ng naman ng ina, sana siya na lang daw ang nawala.

Sa ulat ni Jasmine Gabriel ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes,  sinabi ng amang si Rosel Silvano na nagsagawa sila ng simpleng family outing sa Bugallon River nang mangyari ang trahediya.

Nasa mababaw lang daw na bahagi ng ilog ang kaniyang mga anak nang biglang tumakbo patungo sa gitna at malalim na bahagi ng ilog ang kaniyang bunso na 12-anyos na special child.

Kaagad daw na sumaklo ang 15-anyos na ate na si Rossiline Grace at ang kanilang ina para masagip si bunso.

Bagaman nailigtas si bunso, si Rossiline naman ang lumubog  at tuluyan nalunod dahil na rin sa lakas ng agos ng tubig. 

Sinikap naman ng ama na hanapin si Rossiline pero hindi niya ito nakita, at umabot pa ng sampung minuto bago nahanap ang katawan ng dalagita.

"Ganun po niya kamahal yung kapatid niya. Mahal na mahal po niya," malungkot na sabi ng inang si Arlene.

"Sana ako na lang po talaga [ang nawala] kasi sa aming tatlo mas makabuluhan po ang  buhay ng anak ko," dagdag niya.

Grade 10 student na si Rossiline at consistent first honor umano sa klase simula pa noong kinder siya. -- FRJ, GMA News