Isang bangkay ng babae na tinatayang nasa edad 15 hanggang 17 ang natagpuan sa isang madamong lugar sa barangay Pulangbato sa Cebu City. Ang biktima, hindi na makilala dahil sa pinsala sa mukha na hinihinalang dulot ng paghampas ng bato.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nakataob ang bangkay ng dalagita nang matagpuan kaninang 6:30 a.m.
Wasak ang mukha ng biktima na pinaniniwalaang pinaghahampas ng bato na nakita sa paligid.
Isang umanong dumaan sa lugar ang unang nakakita sa biktima na tinatayang nasa edad na 15 hanggang 17.
Bukod sa pagkakakilanlan ng biktima, aalamin din ng pulisya kung pinagsamantalahan ang dalagita.
Aalamin din ng mga awtoridd kung may kaugnay sa insidente ang nakitang mga bote ng serbesa na hindi kalayuan sa lugar. -- FRJ, GMA News
