Ikinabahala ng mga awtoridad ang natuklasan nilang kakaibang modus sa pagbebenta ng marijuana sa mga kabataan tulad ng mga estudyante na itinatago sa paraan ng gummy at chocolate candies.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing natuklasan ang modus sa isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng Laguna-SWAT at Laguna Provincial Intelligence Branch, ang isang bahay sa isang exclusive subdivision sa San Pedro, Laguna.
Nadakip ng mga awtoridad ang pakay umano ng operasyon na si Bobby Babcock, 31-anyos.
Nang halughugin ng pulisya at kinatawan ng barangay ang bahay, nakita ang walong brick ng marijuana, isang tila gas chamber na pinaniniwalaang lugar kung saan gumagamit ng droga ang kaniyang parokyano.
Ikinagulat ng mga awtoridad nang makita ang sinasabing bagong modus ng patagong pagbebenta ng marijuana na mga gelatin gummy bears at bite-size chocolate candies na hinahaluan daw ng marijuana.
"Mayroon silang hulmahan, yung maliit na lang parang chocolate. Yung mga ayaw na sa shabu nag-shift sila dito kasi kinakain na lang nila," ayon kay P/Supt. Vic Cabatingan, hepe ng Laguna PIB.
Dagdag pa niya, ang mga tao sa komunidad ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa iba't ibang tao na nagtutungo sa lugar.
"Ang target nila estudyante lalo ngayon pasukan dahil kasi in the form na siya ng chocolate. Sa ordinaryo kala mo ordinaryong chocolate lang," sabi naman ni P/Sr. Supt. Cecilio Ison, Provincial Director, Laguna PPO.
Ayon pa sa pulisya, ibinebenta sa halagang P500 kada isa ang mga chocolate marijuana.
Bukod sa P350,000 na halaga ng hash at marijuana, kompiskado rin ang ilang glass pipes, microwave oven, at hulmahan para sa chocolate marijuana candies.
Sinabi sa ulat na inamin umano ni Babcock na pasimpleng kaliwaan sa loob ng eskwelahan nagaganap ang bentahan ng gelatin at chocolate marijuana candies na kung minsan ay kinakain daw sa loob mismo ng mga classroom ng mga parokyanong estudyante.
"Naniniwala po ako sa health benefits na binibigay nito sa tao," ayon kay Babcock.
Magsasagawa naman ng follow-up operation ng Laguna police para mahuli ang iba pang kasabwat sa paggawa ng gummy bear at chocolate marijuana candies. -- FRJ, GMA News
