Patay ang isang ginang at dalawa niyang anak matapos silang barilin sa ulo sa loob ng kanilang bahay sa Carcar City, Cebu. Ang pinaniniwalaang nasa likod ng krimen, ang kanilang padre de pamilya na natagpuan ding patay.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing Linggo ng madaling araw nang matagpuan ang duguang bangkay ng mga biktima sa kanilang bahay sa Barangay Valladolid sa Carcar City.

Nakita sa kama at may tama ng bala sa ulo ang inang si Jelyn Lopez, at mga anak na sina Myir, walong-taong- gulang, at Angel, 12-anyos.

Natagpuan din sa bahay ang bangkay ng padre de pamilya na si Joel Lopez, dating pulis ng Carcar City. Pero natanggal siya sa serbisyo noong 2013 matapos na matalo umano ang kaso laban sa isang drug suspect dahil sa hindi niya pagdalo sa court hearing sa Llapu-lapu City.

Hinala ng mga awtoridad, nagbaril sa sarili si Lopez matapos na patayin ang kaniyang mag-iina gamit ang isang M-16 armalite.

Kuwento ng kaniyang mga dating kasamahan sa Carcar police, bumisita pa sa istayon si Lopez upang kunin ang kaniyang police clearance para sa reinstatement.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang posibleng dahilan kung bakit pinatay ni Lopez ang kaniyang mag-iina. Gayunman, may mga impormasyon na nagkaroon umano ng pag-aaway ang mag-asawa tungkol sa pinansiyal.

Aalamin din kung saan nakuha ni Lopez ang kaniyang armas dahil wala na ito sa serbisyo. -- FRJ, GMA News