Walang saplot sa katawan nang matagpuan ang bangkay ng isang 16-anyos na babae sa Bugallon, Pangasinan. Ang isa sa mga suspek, minor de edad na pamangkin pa man din ng biktima.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Vanessa Amansec, na nagtamo ng mga saksak sa dibdib.

Nakita ang kaniyang bangkay sa bakanteng lote sa barangay Pangascasan sa hangganan ng Bugallon at San Carlos City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa computer shop ang biktima nang kunin umano ng dalawang lasing na suspek na sina Feliciano Beltran, 65-anyos na magsasaka, at isang menor de edad na pamangkin ng biktima.

"Niyaya ako nung ano... yung matanda," anang binatilyo. Pinagsasaksak po niya pero ni-rape ko siya, tsaka sumunod siya."

Itinanggi naman ni Beltran ang paratang laban sa kaniya at iginiit na hindi niya kasama ang menor de edad na suspek.

"Hindi ko kasama 'yan. Pinagbibintangan ako, bakit parang tunay na ako ang dinidiin dito," pahayag niya.

Hustisya naman ang hiling ng pamilya ng biktima, na bunso sa limang magkakapatid.

"Hindi na namin mabubuhay ang anak namin. Kaya ang kailangan gawin, bitayin din sila," ayon sa ina ng biktima.

Inihahanda na ang kasong rape with homicide laban kay Beltran, habang dadalhin naman sa Social Welfare Department ang menor de edad na suspek. -- FRJ/KVD, GMA News