Naging maaksyon ang isinagawang operasyon ng mga pulis sa sikretong "batakan" umano ng droga sa isang bukid sa Laguna. Sa bukana pa lang, sinalubong na ng putok ng baril ang mga operatiba mula sa dalawang suspek na namamahala umano ng iligal na gawain.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video footage sa ginawang pagsalakay ng mga operatiba ng Laguna Provincial Intelligence Branch sa isang farm sa San Pablo, Laguna.

Pagdating sa makipot na sementadong daanan papunta sa bukid, pinadapa at kinapkapan na kaagad ang mga taong inabutan sa lugar.

Maya-maya pa, sunod-sunod na putok na ng baril ang narinig mula umano sa mga namamahala ng batakan ng droga sa ginawang mga barong-barong sa bukid.

Kaagad na gumanti ng putok ang mga pulis at tinugis ang mga suspek na pinanggalingan ng putok ng baril.

Tinangka pang tumakas ng mga suspek sa kagubatan pero hinabol sila ng mga operatiba at doon na napatay sina Flores Aram at Edgar Ramos, na lider umano ng drug group.

"Nagtataka ang mga tao na napakaliit ng eskinita bakit ang daming pumapasok na tricycle na wala namang nakatira na do'n. 'Yon ang naging indicator natin na talagang talamak ang bentahan do'n," ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Laguna-PIB.

Hindi lang daw mga tricycle driver ang nagpupunta sa lugar kung hindi maging mga estudyante at mayroon din umanong mga empleyado ng gobyerno.

Narekober mula sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, drug money at dalawang caliber 45 na baril. -- FRJ, GMA News