Nauwi sa trahediya ang masayang paliligo ng magkapatid sa isang hukay na napuno ng tubig matapos malunod ang isa sa kanila sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing inaya ng 16-anyos na si Jordan Fernandez ang kaniyang kuya na si Jonas na maligo sa isang hukay sa Barangay Naguilayan.

Napuno ng tubig ang nasabing hukay  na ginawa umano para sa biogas na pinagkukunan ng kuryente sa lugar.

Pero sa gitna ng pagtatampisaw  ng magkapatid, napunta raw ang dalawa sa malalim na bahagi ng hukay.

"Hindi nila alam na yung butas na pinagliliguan nila malalim pala sa gitna, ayon kay Police Chief Inspector Gregorio Abungan, deputy chief, San Carlos Police.

Nakaahon umano kaagad si Jonas pero hindi nakaligtas si Jordan na natagpuan ang bangkay pagkaraan ng isang oras.

Samantala, nasawi naman ang 78-anyos na si Benito Manuel makaraang malunod sa isang irigasyon sa San Manuel, Pangasinan.

Inabot ng apat na araw paghahanap sa biktima na taga-Barangay San Bonifacio.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad  kung may foul play sa insidente. -- FRJ, GMA News