Patay ang isang empleyado ng Civil Service Commission sa Autonomous Region in Muslim Mindanao nang tamaan ng bala habang nasa loob ng sasakyan sa Marawi City.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing biktima na si Marvin Ablando, at nasugatan naman sa daplis ng bala sa noo ang boss niya sa SCS na si Sandra Usman.

Ayon sa driver ng sinasakyang kotse ng mga biktima, palabas na sila ng Mindanao State University at patungong kapitolyo nang tumama at lumusot sa windshield ang bala ng 50 caliber na baril.

Nakaupo sa passenger seat sa tabi ng driver si Ablando at nasa likuran naman si Usman.

Dinala ang dalawa sa ospital pero hindi na nasagip ang buhay ni Ablado dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa ulo.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung stray bullet o ligaw na bala mula sa main battle area ang tumama sa mga biktima,  o kung sadyang pinuntirya ang mga biktima.

Kaagad na isinara ang iba pang bahagi ng unibersidad bilang pag-iingat. -- FRJ, GMA News