Napatay ang isang lalaki ang sarili niyang ama, at nasugatan din ang kaniyang ina at dalawang iba pa matapos na magwala at managa sa Villasis, Pangasinan. Ang lalaki, nakagat daw ng aso noong nakaraang buwan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Dominador Felix. Kabilang naman sa mga naging biktima niya ang ama na si Sevillano at ina na si Virginia.
"Sabi ng nanay na, 'Mamamatay na 'ko, mamamatay na 'ko.' Yon lang ang sabi ng auntie namin. Pagkatapos nung wala na kaming naririnig na boses ng auntie namin... ang akala namin diyan naninibak lang ng kahoy pero hindi naman pala, yung nanay niya ang tinaga-taga dito," ayon kay Gina Oliveras Andres, isang saksi.
"Wala-walang sabi-sabi 'yang [nanaga. Tinaga sa] ulo tsaka sa balikat," ayon sa isa pang saksi na si Poldo Gaspar.
Bukod sa mag-asawa, dalawa pa ang nasugatan sa pagwawala ni Dominador na sina Sophia Gaspar at Godofredo Ignacio.
Hindi kaagad natulungan ng mga kapitbahay ang mag-asawa dahil sa matinding takot.
Pagkaalis ng suspek, sunod naman nitong pinagtataga ang mga nakasalubong sa kalsada na sina Gaspar at Ignacio.
Matapos ang pananaga sa huling biktima, nagtulungan na ang mga residente para mapigil ang suspek.
Binato nila siya sa ulo, hinampas sa likod saka tuluyang itinali ng tatlong kalalakihan.
"Malakas po, ako nga po hindi ko po kaya eh nung hinahawakan ko siya kasi pumapalag talaga," sabi ng residenteng si John Paul Gaspar.
Ayon sa mga kaanak, nagkasakit si Dominador dalawang linggo matapos makagat ng aso. Miyerkules na nang mapansin nilang biglang nag-iba ang ikinikilos nito.
Iniimbestigahan na kung may kaugnayan ang kaniyang pagwawala sa kagat ng aso.
Isasailalim din sa medical examination ang suspek para matukoy kung positibo siya sa rabies.
"Susundin pa rin natin yung proseso at unang-una, ito ay ipagbibigay-alam natin kung sino yung in-charge, ipapakita natin siya sa doctor talaga," sabi ni Police Senior Inspector Rodrigo Lubiano Jr., deputy chief ng Villasis Police.
Ayon sa suspek, hindi raw siya pinapayagang makalabas ng bahay ng kanyang mga magulang kaya nag-init ang kanyang ulo at nagawa ang krimen.
"Nakita ko yung itak doon kinuha ko. Dahil yun sa init ko ng ulo ko," ayon kay Dominador. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
