Dahil umano sa selos, kinukunan ng video ng isang ama sa General Santos City ang ginagawa niyang pananakit sa kaniyang mga anak na edad tatlo, anim at walo. Ginagawa raw ito ng mister para ipadala sa asawang nagtatrabaho sa ibang bansa na pinaghihinalaan niyang may ibang kinakasama.
(Paalala, sensitibo ang video)
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang video na kumalat sa social media kung saan isa-isang sinasaktan ng ama ang kaniyang tatlong anak.
Mayroon rin video na makikita ang bunsong anak na babae na may tali sa leeg at panay ang iyak na tila binibigti ng kaniyang sariling ama.
Matapos na kumalat sa social media ang naturang video, kaagad na kumilos ang Department of Social Welfare Department para sagipin ang tatlong magkakapatid.
Gayunman, hindi na inabutan ng mga awtoridad sa bahay ang ama ng mga bata.
Ayon kay social worker na si Miramel Laxa, social worker, mananatili muna sa pangangala ng DSWD ang mga bata.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sadyang kinukunan ng video ng ama ang pananakit sa mga anak para para maiparating ito sa kanilang misis na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Middle East.
Nagseselos umano ang ama ng mga dahil dahil sa tsismis na may ibang kinakasama ang kanyang misis.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang ama ng mga bata. -- FRJ, GMA News
