Patay ang isang lolo sa Butuan City matapos siyang hatawin ng kahoy nang nakaalitan niyang apo, na nagalit umano nang walang nadatnang pagkain sa kaniyang pag-uwi.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rolando Jumawan, 75-anyos, na agad bumagsak nang tamaan sa ulo.

Nagawa pang isugod sa ospital ang lolo pero binawian din ng buhay.

Ayon sa ulat, nagreklamo umano ang suspek na si Jesmar Dejero matapos madatnang nagsasaing pa lang ang kaniyang lolo.

Dito na nagtalo ang dalawa, na nauwi sa pamamalo ng suspek ng kahoy sa biktima.

Nahaharap ngayon sa reklamong parricide ang suspek. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News