Tadtad ng saksak sa katawan at maging sa ulo nang matagpuan ang bangkay ng isang 19-anyos na factory worker sa isang talahiban sa Calamba, Laguna.  Love triangle ang isa anggulong tinitingnan ng mga imbestigador matapos mapag-alaman na may kinakasama na ang nobya ng biktima.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ronnie Molinar, taga-Cabuyao, Laguna, na natagpuan ng Sitio Buli, Barangay Paciano sa Calamba dakong alas-siyete ng umaga nitong Martes.

Nagtamo ang biktima ng mga saksak sa ulo, sa likod ng katawan at sa leeg, na mistulang nilaslas.

"The cadaver sustained stab wounds from the head. At the head, a huge gaping hole sa neck, apparently due to multiple stab wounds in the general area. Two stab wounds at the back. From the look of the injuries the cadaver sustained at the ginger tips, mukhang na-torture pa nga siya," sabi ni Police Superintendent Sancho Celedio, OIC ng Calamba PNP.

Walang criminal record ang biktima at wala rin siya sa drugs watchlist sa Calamba at Cabuyao, ayon sa paunang pagsisiyasat ng pulisya.

Tinitignan na ng pulisiya ang anggulong pag-ibig.

"Prior to this, he was heavily involved in a relationship with someone who is married. So looking at that angle na possibly isa ito sa dahilan kung bakit nagkaroon ng ganitong turn of events," ayon pa kay Celedio.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, mabait, palakaibigan at wala raw kaaway si Molinar kaya nakikita rin nila ang pagkakaroon niya ng relasyon sa isang babaeng may kinakasama na bilang dahilan sa likod ng pagpatay.

Halos sampung buwan na raw nagtagal ang relasyon ni Molinar sa babae.

Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang babae, habang patuloy ang imbestigasyon.

Kuwento ni Mae Molinar, kapatid ng biktima, nagulat sila nang may sumundong lalaki sa nobya ng kapatid dalawang linggo pa lang ang nakararaan.

"Girlfriend po siya ng kapatid ko, nagulat na lang po kami na sumugod dito 'yung lalaki, sinundo itong babae. Wala po kaming alam na may kinakasama pala siya. Nu'ng sinundo rito, sabi po sa amin ng lalaki, hindi daw siya nagagalit kasi hindi naman daw sa iba napunta 'yung kinakasama niya," sabi ni Mae.

Huling nakita sa kanilang bahay si Ronnie hapon ng Oktubre 30 at nagpaalam na magsu-swimming pero hindi raw sinabi kung saan o sino ang kasama.

"Magsu-swimming daw po siya. Tapos sabi po niya sa amin, 'Nay pag may naghanap sa akin mga katropa ko, 'wag niyo na lang sabihin kung saan ako,'" ayon pa kay Mae.

Natagpuan ang bangkay ng biktima kinabukasan.

Nanawagan ang pamilya ni Ronnie sa mga nakasaksi na makipag-ugnayan sa kanila o sa pulisya.

Ayon sa ulat, anumang oras daw nitong Huwebes ay nangako ang girlfriend ni Ronnie at ang lalaki na kinakasama nito na kusang magbibigay ng kanilang salaysay sa pulisya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News