Natagpuang patay at may tama ng bala sa dibdib ang isang 24-anyos na babae sa loob ng isang lodge sa Cebu.  Ang suspek sa krimen, ang nobyo mismo ng biktima.

Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video footage ng CCTV sa loob ng isang lodge sa Talisay City ang suspek na si Jarry Parba na nag-check-in bandang 1:30 ng madaling araw nitong Huwebes.

Dakong 2:14 am naman nang dumating ang biktimang si Ronabeb Cabuenas na sandaling tumigil sa front desk at nagtungo sa kuwarto na kinaroroonan ni Parba.

Hindi nagtagal, nagkagulo na ang mga empleyado at ilang naka-check in din nang makarinig sila ng putok ng baril.

Kasunod nito ay nahagip sa CCTV si Parba na umalis ng lodge at hindi kasama si Cabuenas.

Nang dumating ang mga pulis, natadnan nila ang bangkay ni Cabuenas na may tama ng bala sa dibdib.

Hinihinala ng pulisya na posibleng selos ang isa sa mga dahilan ng krimen dahil sa pagiging magkarelasyon ng suspek at biktima.

Ayon naman sa isang tauhan ng lodge, narinig nila na nag-aaway ang dalawa dahil nais nang makipaghiwalay ng biktima dahil may asawa na ang nobyo pero ayaw umanong pumayag ng lalaki.

Ang lola ng biktima, nanawagan sa pulisya na hulihin si Parba para mabigyan ng hustisya ang kaniyang apo. -- FRJ, GMA News