Mahigit P100 milyong halaga ng cocaine ang nakumpiska ng mga awtoridad matapos na makita ng isang residente sa tabing-dagat sa Matnog, Sorsogon.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing nakalagay ang mga droga sa mga selyadong plastic at nakasilid sa plastic container.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Matnog, posibleng itinapon daw sa dagat ang nasabing container at may inaasahang kukuha nito.
Pero dahil sa sama ng panahon, dinala ng alon ang kontrabando sa pampang kung saan ito natagpuan ng isang residente.
Hinihinala rin ng mga awtoridad na hindi pakay na ibagsak sa Pilipinas ang naturang droga.
Ayon naman sa Philippine Drug Enforcement Agency, posibleng galing sa Latin America ang cocaine. -- FRJ, GMA News
