Patay matapos pagbabarilin ng dalawang salarin sa loob ng isang kuwarto na nasa compound ng barangay hall ang mister ng chairwoman ng Barangay Pansol sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Miguel dela Cruz.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagdating ng dalawang lalaki naka-bonnet sa compound ng barangay hall at pinuntahan ang kinaroronan ng biktima.

Nataranta ang mga tao sa barangay nang biglang barilin Dela Cruz.

Kaagad na tumakas ang dalawang salarin sakay ng kanilang motorsiklo.

Inaalam pa ng Calamba police ang motibo sa krimen.

Samantala, patay na nang matagpuan sa Plaridel, Bulacan at may mga tama ng bala ang negosyanteng si Wilfredo Mangahas.

Unang iniulat na dinukot ng mga armadong lalaki sa isang sabungan sa Guiguinto, Bulacan ang biktima bago nakita ang bangkay sa pickup truck.

Ayon sa kapatid ng biktima, may dalang P300,000 si Mangahas na nawawala na, pati na ang kaniyang mga alahas.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang motibo ng mga pulis sa krimen.

Sa Oas, Albay, na-huli cam ang pamamaril ng apat na naka-motorsiklong suspek sa biktimang si John Greg Ricarte, anak ng dating alkalde sa bayan,  at sa kaibigan nitong si John Rey Retuerma.

Base sa imbestigasyon, posibleng nagalit umano ang mga suspek sa mga biktima dahil sa pagsigaw nila sa aso.-- FRJ, GMA News