Kahit maysakit ang anak, hindi nasilaw ang isang basurero sa napulot na perang nagkakahalaga ng kalahating milyon at kaniyang isinauli sa may-ari sa Baliuag, Bulacan.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang tapat na basurero na si Emmanuel Romano ng nasabing munisipalidad sa Bulacan.

Nangongolekta umano ng basura si Romano sa isang subdisyon nang mapulot ang isang plastik na supot na pinaglalagayan ng P500,000.00.

Nang malaman na pera ang nakalagay sa plastik, kaagad niya itong dinala sa barangay matapos ang kaniyang trabaho.

"Kinabahan po ako nung nakita ko po yung pera. Hindi ko po muna dinampot tapos po tinabi ko po muna sa isang gilid 'di ko po muna pinakita sa mga kasamahan ko," kuwento niya.

Napag-alaman na sa barong-barong lang nakatira si Romano at maysakit pa ang bagong silang na anak.

Sa kabila ng kaniyang kalagayan sa buhay, hindi raw sumagi sa isip ni Romano na pag-interesan ang pera.

"Hindi ko po inenteres yung pera na 'yun na ikayayaman po namin, kaya po ginawa ko po sinurender ko na lang po," sabi niya.

Labis naman ang pasasalamat ng may-ari ng pera sa ginawa ni Romano.

Ayon sa may-ari ng pera, naitapon ng kaniyang asawa ang plastik sa pag-aakalang basura lang ang laman nito.

Bilang ganti sa kabutihan ni Romano, ipagagamot ng may-ari ng pera ang anak niya at nangako rin na magbibigay ng tulong pinansyal.

Ikinararangal naman ng punong barangay ang ginawa ni Romano na tutulungan daw nilang maipagawa ang bahay at may dagdag na sahod pa.

"Sana po tayo ay maging matapat, unang-una sa sarili natin at siyempre maging matapat po tayo sa tao. Nakita po natin yung nangyari sa kaniya sa katapatan po niya napakarami pong biyaya ang darating sa kanya," ayon kay Joel Miranda, chairman ng barangay. --FRJ, GMA News