Duguan at patay na nang matagpuan sa loob ng kaniyang pickup ang isang negosyante na dinukot sa isang sabungan sa Bulacan.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Wilfredo Mangahas, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib.
Natagpuan si Mangahas na nakasubsob sa loob ng kaniyang sasakyan sa Barangay San Jose, Plaridel, Bulacan.
Napaulat na dinukot ang biktima sa isang sabungan sa Guiguinto, Bulacan.
Ayon sa kapatid ni Mangahas, papasakay noon ang biktima sa pickup nang tutukan ito ng baril sa loob at puwersahang tinangay palayo.
Wala raw naging kaaway si Mangahas at walang natatanggap na pagbabanta sa kaniyang buhay.
Pagnanakaw ang tinitingnang motibo sa krimen dahil hindi natagpuan ang kaniyang sling bag na may lamang pera, mamahaling alahas at relo, base sa paunang imbestigasyon ng Plaridel Police.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang krimen para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
***
Samatala, Sa Cauayan City sa Isabela, patay ang isang babae at apat pa ang sugatan matapos na walang habas silang pinagbabaril sa loob ng kanilang compound ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kinilala ang nasawi na si Bernadette Rombaoa, na tinamaan ng bala sa ulo.
Ayon kay Bernardino Sinuto, kapatid ng biktima na nadaplisan, nag-iinuman sila noon ng kaniyang mga kamag-anak sa terrace nang mangyari ang insidente.
Naniniwala siyang sila ang mga target ng salarin at nadamay lang si Rombaoa, dahil dating miyembro ng anti-crime task force ang kaniyang pamangkin.
Wala naman silang natatanggap na mga banta sa kanilang buhay at wala ring nakakaaway.
Narekober ang mga imbestigador ang aabot sa 100 basyo ng bala sa crime scene.
***
Sa Cabatuan, Isabela, patay sa pamamaril ang retiradong seaman na si Bernardo Domingo habang nakatayo ito sa harap ng kaniyang bahay.
Nakasuot ng sumbrero, shorts at stripe jacket ang suspek, na tumakas sakay ng motorsiklo.
Isang basyo ng .45 baril ang natagpuan sa crime scene. Hustisya ang sigaw ng pamilya.
***
Samatala, sa Ferrol, Romblon, isang pahinante ang nasawi matapos siyang tumalon at magulungan ng truck na kaniyang sinasakyan.
Kinilala ang biktima na si Leopoldo Meran, na nag-akalang mahuhulog ang truck sa bangin kaya siya nag-panic.
Kuwento ni Joey Sim-alawan, driver ng truck, nawalan ng preno ang sasakyan sa bahagi ng national road sa Barangay Tubigon.
Tumalon din ang isa pang pahinante, na anak ni Meran, at nagtamo ng mga galos.
Dinala ang driver sa Ferrol Municipal Police Station, na maaring makasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
