Dobleng dagok sa buhay ang sinapit ng isang pamilya sa Bacolod City matapos na mabangga ng SUV ang sinasakyan nilang tricycle na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong sakay.  Pauwi na umano ang pamilya mula sa ospital kung saan namatay naman ang isa nilang kaanak nang mangyari ang trahediya.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing nawasak pareho ang SUV at tricycle dahil sa lakas ng banggaan.

Tatlo sa pitong sakay ng tricycle ang nasawi.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," kinilala ang mga nasawing biktima na sina Rodelyn Nacis, Erlinda Villar at anak nitong si Melinda Disoro.

Nasugatan naman at dinala sa ospital sina Elvis Villar, anak nitong si Geralyn at dalawa pang pasahero.

Nakaligtas naman ang drayber ng SUV na si Luigi Malacon, na aminadong nakainom ng alak pero kaunti lang daw.

Aniya, hindi naman mabilis ang kaniyang pagpapatakbo.

Dinala ang drayber ng SUV sa himpilan ng pulisya at posible siyang maharap sa patong-patong na reklamo. -- FRJ, GMA News