Bumuhos ang malakas na ulan sa ilang lugar sa Mindanao, ayon sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas nitong Lunes. Sa Santa Cruz, Davao del Sur, sampung bahay ang winasak ng buhawi.

 

Sa ulat ni R-Gil Relator, sinabing may mga bahay na natanggalan ng bubong at pader, at may nilipad pang inidoro dahil sa lakas ng hangin noong Huwebes ng gabi.

Marami ring puno at mga halaman ang nasira at bumagsak.

Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office at Disaster Risk Reduction and Management Office, dalawa sa mga bahay na sinalanta ng buhawi ang labis na napinsala.

Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa naturang insidente.

Nagbigay na umano ng tulong ang lokal pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng buhawi.

Dahil pa rin sa masamang panahon sa ilang lugar sa Mindanao, may mga puno na nabuwal.

Sa barangay Lanao sa Kidapawan City, isang malaking puno ang nabuwal at humarang sa kalsada agad namang inaksyunan ng lokal na pamahalaan.

May nabuwal ding puno sa Brgy. Poblacion, at bumagsak ito sa isang bahay pero wala namang nasaktan sa insidente.

Dahil din sa magdamag na buhos ng ulan sa Midsayap, Cotabato, nasira ang ilang bahay at binaha ang mabababang lugar.

Sa Sultan Kudarat, dalawang Sitio ang sinalanta naman ng buhawi at hindi bababa sa 10 bahay ang naapektuhan.

Ilang ektarya rin ng maisan ang pinadapa ng buhawi.

Ayon sa PAGASA, inter-tropical convergence zone o ITCZ ang nagdulot ng mga pag-ulan sa Mindanao.--FRJ, GMA News