Ilang araw bago ang Barangay and Sangguniang Kabataan elections sa Lunes, ilang insidente ng karahasan ang naitala ng mga awtoridad.

Sa ulat sa Balitanghali nitong Sabado, isang barangay kagawad na kauuwi lamang galing sa pangangampanya ang tinambangan at napatay ng mga armadong lalaki sa Malapatan, Sarangani Province.

Kinilala ang biktima na si Harold Malagus, na kasama noon ang kaniyang misis nang pagbabarilin sila sa Barangay Sapo Masla.

Ayon sa misis ng biktima, kamag-anak nila ang mismong pumaslang sa kanyang asawa.

May nakita ang mga pulis na mga basyo ng .45 pistola at isang armalite sa pinangyarihan ng insidente.

Patuloy ang imbestigasyon kung may kinalaman sa politika ang pagpatay.

Samantala sa Barangay Athulu, Igig, Cagayan, nasawi rin ang isang kumakandidatong barangay chairman nang barilin umano ng nakaupong chairman habang sila'y nag-iinuman.

Sinabi ng mga pulis na nag-ugat sa pagtatalo ang pamamaril.

Nadamay din ang dalawang kaanak ng biktima. Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

Sa Cotabato, dinakip ang dating chairman at kumakandidato sa pagiging kagawad na si Aladdin Matabalao sa pagkakasangkot niya umano sa ilegal na droga.

Nakuha ang mahigit walong pakete ng hinihinalang shabu sa kaniyang bahay. Nakapiit na siya sa PDEA.

Sa Dumingag, Zamboanga del Sur, na-recover sa raid ang mga ilegal na armas, kabilang ang iba't-ibang uri ng baril, bala at granada, mula sa siyam na tauhan umano ng isang kumakandidatong kapitan.

Base sa sumbong na natatanggap ng mga pulis, hina-harass daw ng mga suspek ang isang nakaupong barangay chairman na katunggali ng kanilang amo.

Sa nalalapit na eleksyon, 40 barangay sa Zamboanga del Sur ang inirekomaneda ng PNP na ideklarang election hotspot.

Mahigit 1,000 pulis ang magbabantay sa Zamboanga Peninsula, at mahigit 3,000 ang naka-deploy sa Region 13.

Mahigit 2,000 din ang nakadestino sa mga polling preccints, samantalang 700 ang responsable sa mga mangyayaring insidente. —Jamil Santos/ALG, GMA News