Isang bangkay ng babae na nakahubad at may tali sa leeg ang nakita sa loob ng banyo ng isang inn sa Victorias City, Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing kasama ng 23-anyos na biktima na pumasok sa naturang establisimyento ang kaniyang nobyo.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng biktima ang kaniyang kasintahan nang mag-check in. Ngunit hindi na nakita ang kasama nito kinaumagahan.
Ang empleyado umano ng inn ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima na pinaniniwalaang namatay sa sakal.
May nakita ring mga pasa sa katawan ng biktima, na indikasyon umano na nanlaban ito, ayon sa mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahuli ang nasa likod ng krimen.--FRJ, GMA News
