Siyam na lalaki ang arestado sa anti-drug operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Biñan, Laguna matapos silang mahulihan ng droga na itinago sa puwet.  Sa bayan naman ng Sta.Rosa, napatay ang isang lalaki na sangkot umano sa nakawan at droga matapos manlaban.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon sa Barangay Canlalay sa Biñan matapos makumpirma sa ginawang pagmamanman ng Laguna Provincial Intelligence Branch ang lantarang bentahan ng droga sa lugar.

Nadakip ang siyam na user at tulak, kabilang ang target na si Jerome Militar.

Ngunit ikinagulat ng mga operatiba nang malaman nila na itinago ng ilang suspek ang droga na nakalagay sa sachet sa kanilang puwitan.

Ito umano ang modus ng grupo para hindi mabisto ang pagdadala nila ng shabu.

"Mga involved sa droga, muli pinapapaalalahanan namin kayo, magbago na kayo, kung hindi ay umalis na kayo dito sa Laguna," babala sabi ni PSSupt. John Kirby Kraft, Provincial Director, Laguna PPO.

Sa Brgy. Caingin, Sta. Rosa naman napatay sa hiwalay na operasyon ng mga awtoridad ang suspek na si alyas "Undoy," na bukod umano sa pagtutulak ng droga ay sangkot din sa pagnanakaw.

Nakuha mula sa suspek ang walong piraso ng sachet na hinihinalang may lamang shabu at isang .45 na baril.

"Malikot po ito, matagal po namin itong minanmanan, nag-o-operate po siya sa San Pedro, Biñan at sa Sta Rosa. Para po ma-sustain nila ang kanilang pangangailangan, ang kapital sa pagbebenta ay nauuwi din po sa pagnanakaw," sabi ni PSupt. Eugene Orate, Chief of Police, Sta Rosa Police. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News