Nayupi ang suot na helmet ng isang rider matapos siyang magulungan ng isang trailer truck sa Imelda Avenue sa Cainta, Rizal nitong Martes ng umaga.
Sa dashcam ng YouScooper na si Ivan Tria, makikita na sinubukan ng rider na sumingit sa truck sa Imelda Avenue sa bahagi ng Kasibulan Village pero mawalan siya ng balanse, matumba at nagulungan ng hulihang gulong ng truck.
Nayupi ang suot na helmet ng rider, na nagawa pang makatayo at makatabi sa bangketa. Pero makikita na tila may iniinda siyang sakit at nanghina.
Kaagad namang umalalay sa kaniya ang ilang rider.
Hindi pa batid kung ano na ang kalagayan ng naaksidenteng rider.
Nangyari ang insidente dakong 11:00 a.m.
Paalala ni Tria, dapat magdoble-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang aksidente. -- FRJ, GMA News
