Napasugod sa istasyon ng pulisya sa Pandi, Bulacan ang ilang magulang para ireklamo ang isang lalaki na may-ari ng tindahan sa kanilang lugar na nangmolestiya umano sa kanilang mga anak na nasa edad pito hanggang 17.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ng mga biktima na hinalikan sila at hinawakan ng suspek ang maselang bahagi ng kanilang katawan.

"Niyakap po ako tapos hinalik-halikan 'yung tiyan ko. Tapos papahubarin ako ng damit sabi ko, 'kuya ayoko na kuya,'" kuwento ng isa sa mga biktima habang may patnubay ng magulang.

Sabi naman ng isa pang biktima, niyakap, hinalikan at hinawakan umano ng suspek ang maselang bahagi ng katawan, at sinabihan ng bibigyan siya ng P120.

Pinagbantaan naman daw ang isang biktima na sasaktan kapag hindi sumama sa suspek.

"Hinawakan niya po 'yung...[maselang bahagi ng katawan. Sabi niya sa akin, 'pumasok ka rito.' Tapos ayoko pong pumayag, tapos binantaan niya po akong, 'bubugbugin kita," anang biktima.

Dahil may tindahan sa lugar kung saan dumadaan ang mga biktima, natatakot na umano ang mga binatilyo at nagpapahatid sa kanilang mga magulang kapag papasok sa paaralan.

"Wala na pong madaanang iba bukod du'n sa daanan kaya ang mga bata, lalabas po ng bahay, papasok sa school nagpapahatid sa nanay sa gawa nang perwisyong ginawa niya. Nagkaroon ng trauma 'yung mga bata," anang isang ina ng biktima.

Desidido umano ang mga magulang ng mga biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.

Bagaman nakausap ng umano mga awtoridad ang suspek, tumanggi naman daw itong sumama dahil wala pang pormal na reklamo na inihahain laban sa kaniya.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng suspek pero wala siya sa kanilang bahay nang puntahan.-- FRJ, GMA News