Nauwi sa trahediya ang away ng mag-ama sa Cagayan de Oro nang mapatay umano ng anak ang kaniyang sariling ama. Pero depensa ng suspek, umilag siya nang susuntukin na siya ng biktima na nahulog sa kanal at tumama ang ulo.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Rico Ubas, 28-anyos, na ipinakulong ng kaniyang mga kamag-anak matapos masawi ang ama niyang si Nestos Ubas, 50-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nag-away ang mag-ama nang makita umano ng anak na sinasaktan ng ama ang kaniyang ina sa kanilang bahay sa Barangay Balubal noong Miyerkoles ng gabi.
"Ang mag-asawa, nag-away. Dahil isa lang ang kanilang bahay, so ang anak pinigilan ang kaniyang ama. Ang anak na ang inatake ng ama at umiwas lang ang anak," sabi ni P/C Insp. Evan Viñas, chief, Police Station 10.
Ayon sa suspek, puro bato ang kanal na pinaghulugan ng ama.
"Pagsuntok niya, nakaiwas ako. Doon siya napunta sa kanal hanggang bewang. Puro mga bato nandu'n," sabi ni Rico.
Pero may nakita rin umanong saksak sa katawan ng biktima, ngunit itinanggi ni Rico na siya ang may gawa nito.
"Hindi ako ang sumaksak sa kaniya. Bakit ko naman siya sasaksakin, ama ko 'yun. Pinigilan at hiniwalay ko lang sila, nasuntok ko pero hindi ko sinaksak," sabi pa niya.
Isasailalim ng pulisya sa awtopsiya ang bangkay ng ama ni Rico, samantalang mahaharap ang suspek sa kasong parricide.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
