Sinisisi ang isang ospital sa San Fernando, Pampanga sa pagkamatay ng isang limang buwan na sanggol nitong Biyernes.

Ayon sa ulat ni Saleema Refran sa 24 Oras nitong Martes, labis ang hinagpis ng ina ni Baby Isaak dahil nakita raw niya na may hiwa sa leeg at may tuklap ang balat sa likod at tagiliran ng namatay na sanggol.

"Para din pong manok 'yung anak ko na basta basta nilang hiniwaan sa leeg. Parang ganoon po kasi bata pa po 'yun eh. Nakakaawa po 'yung anak ko. Kaya nga namin siya dinala sa ospital para mapaayos 'yung lagay niya pero hindi eh, namatay siya," kuwento ni Alpha Sabaña.

Ayon sa salaysay ni Alpha, Hunyo 27 nang magsimula raw magsuka at dumumi nang may kasamang dugo si Baby Isaak. Bigla rin daw lumobo ang tiyan ng sanggol.

Isinugod muna si Baby Isaak sa dalawang magkaibang pagamutan bago siya dinala sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital kung saan nakitang mayroon siyang intussusception o ang pagpasok ng maliit na bituka sa malaking bituka.

Inoperahan pa siya noong Hulyo 3 subalit pumanaw na rin siya nitong Biyernes.

Kuwento pa ni Alpha, hindi rin daw sila trinato ng tama sa ospital at sinabihan pang ibalot na lamang ang patay na sanggol pag-alis nila sa pagamutan.

"Wala pa po silang awa kasi dapat daw po 'yung ospital mismo 'yung tumatawag ng morgue para makuha daw po siya doon pero 'di po 'yun 'yung nangyari. Kami rin daw po 'yung nagbitbit sa anak ko paglabas ng ospital. Binalot po namin siya ng tuwalya," sabi ni Alpha. 

"Masakit po ma'am, pinagtitingnan po kami ng tao, nakabitbit lang po sa amin 'yung bata," dagdag niya.

Sa death certificate ni Baby Isaak, septic shock o pagkalason ng dugo mula sa impeksyon ang ikinamatay nito.

Iniimbestigahan na raw ng pamunuan ng ospital ang insidente upang malaman kung may pagkukulang sa kanilang panig.

"Hanggang ngayon po ongoing ang aming imbestigasyon at makakaasa po ang magulang, 'yung kamag-anak po ng pasyente na kami po'y nakikipag-ugnayan sa kanila para malaman ang puno't dulo nito," sabi ni Dr. Alfonso Danac, hepe ng medical and professional staff ng ospital.

Sa kabila nito, ipinaliwanag nila na ang natuklap daw na balat ni Baby Isaak ay dahil sa paso mula sa heating pad ng operating room samantalang ang hiwa sa leeg ay dulot naman ng paglalagay ng central line dahil dehydrated daw ito.

Nangako naman ang pagamutan na kanilang pananagutin kung mayroon mang dapat managot sa kanilang mga tauhan lalo na sa akusasyon ng maling pagtrato nila sa naiwang pamilya ni Baby Isaak.

"Ang proseso po ng ospital dapat po dadaan po sila sa likod, merong susundo sa kanila na either funeral parlor or 'yung kanilang funeral service. Kung kami po ay may pagkukulang,siguraduhin po namin na ito ay maicorrect o maitama natin at pangalawa, kung mayroon pong kailangang magkaroon ng reprimand, bibigyan po natin sila ng reprimand," sabi ni Danac.

Nagsagawa ng autopsy ang medico legal ng National Bureau of Investigation Region 3 kasunod ng reklamo ng pamilya.

Naihatid na sa huling hantungan si Baby Isaak kanina. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News