Labis ang kalungkutan ng mga magulang ng dalawang magkapatid na batang babae na nasawi matapos umanong kumain ng isaw at 'betamax' na kanilang binili sa Milaor, Camarines Sur. Ang tindahan na pinagbilihan ng mga bata, hinahanap na ng barangay.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita, kinilala ang mga biktima na sina Lyka Alba, 10-anyos, at Mary Joy Alba, 13-anyos, samantalang nakaligtas ang kapatid nilang si JR.

Kuwento ng inang si Edna Alba, umuwi noong nakaraang Biyernes si Lyka na may dalang isaw at 'betamax.' Pinagsaluhan ito ng mga magkakapatid.

Ngunit napansin ni JR na kakaiba ang lasa ng pagkain kaya agad niya itong niluwa.

Kinagabihan, napansin ni Edna na may kakaiba kay Lyka. "Tinitingnan ko siya, parang naggaganiyan-ganiyan (nahihilo). Puro paypay na po siya, sabi ko sa asawa ko 'Pa anong nangyari sa anak natin? Tingnan mo oh," sabi ng ina.

Humina ang katawan at nagsuka umano si Lyka, kaya isinugod siya sa ospital sakay ng pedicab.

Tila iba na ang pakiramdam ng ina sa anak. "Parang naramdaman ko kasi na wala na siya," sabi ni Edna.

"Wala na tayong magagawa niyan, ipagpasa-Diyos na lang," sabi ni Mario Alba, ama ng mga biktima.

Idineklarang dead on arrival si Lyka.

Ngunit hindi dito nagtapos ang kanilang kalbaryo, dahil sunod na isinugod sa ospital si Mary Joy.

Tatlong araw siyang na-confine bago binawian ng buhay.

Naospital din si JR pero hindi natuluyan ng sakit.

Paniwala ng mga naulilang magulang, nalason ang mga bata, bagama't hindi pa kumpirmado na na-food poison ang mga biktima.

Pinag-uusapan na ng barangay ang karampatang aksyon.

Kapag na-food poison ang isang tao, paalala ng Department of Health (DOH) na uminom ng maraming tubig para iwas dehydration, huwag itapon ang pagkaing nakalalason para masuri, at uminom ng gamot na inireseta ng doktor. — Jamil Santos/RSJ, GMA News