Patay ang isang 47-anyos ina sa Pagadian City nang bagsakan umano ng malaking bato ng sarili niyang anak na umano'y nagkaproblema sa pag-iisip dahil sa shabu at rugby.

Sa ulat ng GMA News noong Biyernes, kinilala ang biktima na si Gina Tinga, at ang suspek na si Almer, 20, binata, kapwa residente ng Brangay Banale, Pagadian City.

Kuwento ng mister ni Gina na si Willy, 47, inutusan niya noon ang kaniyang 9-anyos anak na babae na dalhan ng pananghalian si Gina na naglalaba sa ilog na may kalayuan sa kanilang bahay.

Pagdating ng kaniyang anak sa ilog, duguang nakadapa umano si Gina sa mabatong bahagi ng ilog.

Agad ipinagbigay-alam ng bata sa ama niyang si Willy na dali-daling nagpunta sa ilog.

Pahayag ni Willy, patay na umano si Gina nang kaniyang maabutan at binuhat  na lamang niya ang asawa pauwi sa bahay.

"Tinanong ko yung anak ko kung saan ang mama niya. Sabi, 'naglalaba.' Dumating yung isa ko pang anak na babae at pinadalhan ko siya ng pagkain," pahayag ni Willy.

Ayon kay Police Officer 1 Renjie Narciso, imbestigador ng Pagadian City Police Station, binagsakan ng malaking bato sa ulo ang biktima na sanhi ng agarang pagkamatay nito.

"Malaki yung bato ipinukpok sa ulo niya for the instant death of the victim," pahayag ni Narciso.

Itinuro naman ni Willy si Almer na umano'y responsable sa krimen.

Bago ito, lagi mainit ang ulo ng suspek sa kaniyang ina lalo na kapag hindi napagbibigyan tuwing humihingi ng pera.

Lagi din umanong inaaway ng suspek ang kaniyang ina kapag walang naabutang pagkain sa bahay.

"Batay sa imbistigasyon sa crime scene at batay na rin sa mga pahayag ni Willy, wala na silang ibang alam na pwedeng gumawa ng krimen kundi yung anak niyang si Almer," pahayag ng pulis.

Sinabi si Willy sa GMA News na nakulong sa Cotabato City si Almer ng dalawang taon dahil sadroga.

Nakitaan na umano ito ng senyales na hindi na normal ang pag-iisip nito dahil sa pagkalulong sa shabu at rugby.

Dahil dito, pinauwi na lamang nila si Almer sa kanilang bahay sa Pagadian.

Minsan matino umano si Almer, ngnunit ng mga nakalipas na buwan lumalala umano ang kalagayan ng pag-iisip nito.

"Gumagamit kasi yan ng rugby. Siguro natuyo na yung utak niya. Minsan,maayos naman siya pero may panahon na hindi," pahayag ni Willy.

Hindi pa bumabalik sa kanilang bahay si Almer at siya ang itinuturing na pangunahing suspek ng mga pulis. —LBG, GMA News