Nauwi sa madugong engkuwentro ang pagsisilbi ng mga pulis ang search warrant sa Nasugbu, Batangas nang manlaban umano at mapatay ang limang suspek, kabilang ang tatlong magkakapatid.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga nasawing magkakapatid na sina Rudy, Roland at Rico Francisco, ng Barangay Wawa, Nasugbu, Batangas.

Napatay din sina Arian Hernandez at isang alyas Scoth Pacia. Habang naaresto naman ang isang alyas Eric at alyas Eva.

Isisilbi umano ng mga pulis ang search warrant para sa magkakapatid kaugnay sa iligal na droga nang manlaban umano ang mga ito na nagresulta sa kanilang pagkamatay.

Sangkot din umano sa robbery-holdup group ang magkakapatid at sinasabing may outstanding warrant of arrest .

Ayon sa Nasugbu Municipal Police Station, kasama ang magkakapatid sa tinatawag na Francisco robbery hold-up crime group na nag-o-operate sa Batangas.

Maliban sa ilegal na droga na nakita sa bahay ng mga suspek, narekober din ng mga pulis ang mga baril na kalibre .45, dalawang kalibre .38 revolver, isang magnum .22 at isang granada.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga napaslang na suspek.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News