Patay ang isang babaeng bagong graduate matapos siyang pagsasaksakin umano ng 22 beses ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kaniyang townhouse unit sa Bacoor, Cavite. Ang pamilya at pulisya, walang ibang dahilan na makita kundi pagnanakaw.
Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Shanmaine Pestaño, 20-anyos, na nakatakda pa sanang sumalang sa job interview noong nakaraang Biyernes ng umaga.
Nakapagtapos si Shanmaine ng kursong financial management sa Sablayan, Occidental Mindoro at lumipat siya sa Bacoor para maghanap ng trabaho. Kalaunan, pinagnakawan ang unit ni Shanmaine at napatay siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Molino 3.
"Based sa autopsy 22 stab wounds, 'yung isang stab wound lang hindi na makatao eh," sabi ni Ryan Pestaño, kapatid ng biktima.
Bago nito, nilagare muna ng mga suspek ang grill ng bintana ng townhouse unit at dito sila pinaniniwalaang lumusot.
"Narinig ko na kumatok 'yung pamangkin ko, tapos umiiyak siya, sina-saksak na raw si Tita Shane. Tapos tumakbo na ako sa bahay nila. Pagpasok sa gate, nakita ko siya sa may pintuan, puro dugo," sabi pa ni Ryan.
"Gusto sana namin laliman pa kasi baka hindi iisa ang gumawa nito base sa mga witnesses natin," sabi ni P/Supt. Vicente Cabatingan, chief, Bacoor Police.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya at suspetsa ng pamilya na robbery ang motibo sa krimen.
"Palagay ko pagnanakaw lang eh. Kasi hindi naman niya sinaktan 'yung pamangkin ko na kasama ni Shane sa bahay," sabi pa ni Ryan Pestano.
"Nagkataon lang na nagising ang kapatid ko, at siguro nagulat kaya hinila 'yung dalang bag ng magnanakaw. Tapos natanggal ang maskara kaya niya pinatay," sabi pa ni Ryan.
"Mayroon na tayong na-identify na suspek, which is mayroon na tayong na generate na 3 witnesses. Ngayong araw sana tayo magsasampa ng kaso, kaya lang sabi ng pamilya, ito ang araw ng cremation," ayon kay PSupt. Vicente Cabatingan.
Nitong Martes, cremated na ang labi ni Shanmaine.
Hustisya ang sigaw ng pamilya at mga kaibigan ng biktima.
"Sana mahuli na yung gumawa, sana mabigyan ng hustisya ang kapatid ko... Shane, mahal na mahal ka namin, sorry kung nahuli ako ng dating, bibigyan kami ng hustisya Shane, bibigyan kami ng hustisya," saad pa ni Ryan. —Jamil Santos/JST, GMA News
