Arestado ang isang 20-anyos na lalaki sa Tinambac, Camarines Sur, matapos niyang dalhin umano sa kaniyang bahay ang 12-anyos na dalagitang kaniyang naka-eyeball at gahasain ng apat na beses.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Huwebes, nangyari ang insidente Disyembre noong nakaraang taon, kung saan nakipag-eyeball ang Grade 7 na biktima sa suspek na si Jason Mendoza.

Nang magkita, tinutukan umano ng suspek ng baril ang biktima, puwersahang pinasakay ng jeep atsaka dinala sa kaniyang bahay.

Limang araw na ikinulong umano ni Mendoza ang dalagita sa bahay at dito nangyari ang paulit-ulit na panggagahasa.

Pinauwi na lamang ni Mendoza ang biktima dahil hinanap na ito ng kaniyang mga magulang sa barangay.

Itinanggi ng suspek ang mga akusasyon. Aniya, may relasyon sila ng biktima.

"Ang gusto ko lang po maayos lang po 'to kasi hindi naman totoong ni-rape ko siya eh," sabi ng suspek.

Nagpa-alala naman ang mga awtoridad na huwag makipagkita agad sa mga taong hindi gaanong kakilala.

"Maging alerto sila, kumbaga maging sigurado sila sa mga imi-meet nila, 'wag basta-basta and kung pu-wede ipaalam nila sa kanilang mga magulang," sabi ni PO2 Diana Cailao.

Samantala, sa Guinobatan, Albay, arestado rin ang most wanted sa bayan matapos ang tatlong taong pagtatago.

"Ang kaso po nito isang qualifed rape at three counts of statutory rape. Ang biktima po nitong suspek ay sarili niyang pamangkin or incest rape po ang nangyari dito," ani Senior Inspector Jonnel Averila, chief of police ng Guinobatan Police.

Walang piyansa para sa mga kasong kinakaharap ng suspek. Hindi siya nagbigay ng pahayag. —Jamil Santos/KBK, GMA News