Nagawa pang makatakbo ng isang estudyante bago tuluyang bumulagta sa kalsada upang makalayo sa lalaking sumaksak sa kaniya sa Pangasinan. Ang tatlong kasamahan ng biktima, hinabol din ng saksak ng salarin.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na naiwang nakahandusay sa Arellano St. sa Dagupan City na si Jerick Fontanilla.

Sa kuha ng CCTV camera, unang nahagip si Fontanilla na tumatakbo na biglang nasubsob. Isang lalaki naman ang sinubukan siyang itayo pero napatakbo na rin kasama ang dalawang iba pa nang makitang paparating ang suspek.

Napag-alaman na nagtamo na pala ng saksak sa tiyan at dibdib si Fontanilla na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, kumakain ang grupo ng biktima kasama ang tatlong kaibigan sa isang canteennang lapitan sila at komprontahin ng suspek na si Victoriano Lim at dalawang iba pang lalaki.

Naglabas umano ng patalim si Lim at sinasaksak ang biktima.

"Allegedly, nagtatapon ng finger foods yung mga bata. So kinompronta ito ng suspek natin eh Victoriano Lim, dun humantong yung pananaksak," sabi ni P/Superintendent Jandale Sulit, hepe ng Dagupan City Police.

Si Lim umano ang nakunan sa video na humabol sa biktima at tatlo nitong kasama.

Patuloy na tinutugis ng pulisya si Lim at sa dalawa niyang kasama na sinasabing nakainom ng alak nang mangyari ang krimen.--FRJ, GMA News