Nahuli-cam ang panghoholdap ng isang may baril at kasabwat niyang nakamotor sa isang lalaking estudyante na kumakain lamang sa tindahan sa Barangay Bonuan Boquig, Dagupan City sa Pangasinan.
Natangay ng mga salarin ang umano'y kabuuang P33,000 mula kanilang mga biniktima sa barangay noong nakaraang Biyernes.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Ayusip Road pasado 8 p.m. sa Barangay Bonuan Boquig.
Makikita sa CCTV na naunang dumaan ang isang nakamotorsiklo, bago ang lalaking may baril sa tindahan.
Ilang saglit ang lumipas, nagdeklara ng holdap ang may baril na salarin sa estudyante.
Maya-maya pa ay lumapit na rin ang rider ng motorsiklo na kasabwat ng suspek.
Hindi tumagal ng isang minuto ang panghoholdap bago tumakas ang mga suspek.
Inakala naman ng tindera na mga barkada ng biktima ang mga suspek. Hindi na siya humarap sa camera, na nagsabing hindi niya namukhaan ang mga suspek.
Kinilala ang biktima na si Allan Jay Dizo, 18-anyos, at residente ng naturang barangay.
"Nilapitan siya, tinutukan siya agad. Kaya ang nakuha sa kaniya, 'yung cellphone niya, pera at saka 'yung relo," ayon kay Charlie Dizo, tiyuhin ng biktima.
Hindi ito ang unang beses na may nangyaring holdapan sa barangay.
May mga umatake na ring salarin sa Gonzales Street noong Hulyo.
"Kaya kailangan hulihin na. Isa-isang hulihin ng mga pulis. Para sa ganoon ang mga mamamayan dito, walang mangamba, walang kinatatakutan," sabi ni Herman Dulay, isang residente sa lugar.
Naghihigpit na ang mga tanod sa pag-iikot sa barangay.
Tatlong tao rin ang hinoldap ng mga salarin sa parehong oras at lugar, bukod sa biktimang estudyante.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente.
"Crime prevention is everybody's concern. Masasabi nating safe ang ating lugar kung tayo mismo ay alam nating i-assess kung may panganib sa paligid," pahayag ni Senior Inspector Madonna Cabiles, PIO, Dagupan City Police Station. —Jamil Santos/LBG, GMA News
