Nagpakamatay ang isang ama matapos umano niyang patayin ang sariling anak sa Polomok, South Cotabato.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkules, wala nang buhay nang makita ang mag-ama sa kanilang tahanan sa Park 2 Barangay Lamcaliaf, Polomolok, South Cotabato alas nuebe ng umaga noong Lunes.

Ayon sa imbestigasyon ng pulis, pinatay ng ama na kinilalang si Mark Jonath Panadero, 29, ang kanyang anak na si Chester Erickson Panadero, 11, isang Grade 6 student, habang natutulog ang bata.

Sinakal ng ama ang anak sa leeg gamit ang isang tali hanggang sa mamatay.

Matapos ginawa ng ama ang krimen, nagbigti naman ito sa pamamagitan ng pagbitay nito sa taling ikinabit sa bubong ng kanilang bahay.

Nakuha ng pulisya sa crime scene ang mga sulat na ginawa ng ama bago ito nagpakamatay.

Sa sulat, isiniwalat niya ang dahilan ng kaniyang ginawa. Isa na rito ang hindi pagkakasunduan nila ng kanyang misis na nasa Maynila.

Hindi na nagbigay ng pahayag sa pangyayari ang kanilang pamilya. —Joviland Rita/KG, GMA News