Walang damit at naaagnas na nang matagpuan ang isang 29-anyos na babae na dalawang araw nawala matapos umanong dumalo sa isang birthday party sa Balatan, Camarines Sur.

Ayon sa ulat ng  GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si  Maria Cristina Guia, na nakita ang bangkay sa gilid ng kalsada sa Barangay Cayogcog sa bayan ng Balatan.

Bukod sa walang damit, may malaking sugat sa ulo na tinamo ang biktima.

Ayon sa kinasama ng biktima, dumalo sa birthday party si Guia kasama ang mga kaibigan pero hindi na nakauwi. Pagkaraan ng dalawang araw, nagpatulong na siya sa barangay para hanapin ito hanggang sa makita nila ang bangkay.

Batay sa autopsy, hindi ginahasa ang biktima pero ikinamatay niya ang malakas na pagpalo ng matigas na bagay sa ulo.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa krimen at kung sino ang nasa likod nito.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News