Dalawang bata ang nalunod sa ilog sa magkahiwalay na insidente Cordillera Administrative Region, ang isa sa Bontoc, Mt. Province at ang isa naman sa Manabo Abra.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, magdiriwang na sana ng kaniyang ika-13 kaarawan sa Disyembre ang isang batang babae na nalunod sa ilog sa Bontoc.
Kuwento ng kaniyang mga kasama, nagpi-picnic sila sa gilid ng ilog at makalipas ang ilang sandali, nakita na lang nila na nalulunod na ang biktima.
Hindi na raw nila ito natulungan dahil nasa malalim na bahagi na siya ng ilog.
Nagtulong-tulong ang iba't ibang ahensiya at concerned citizens para mahanap ang biktima.
Nang mahanap, sinubukan pa itong i-CPR at agad na dinala sa ospital, ngunit hindi na siya umabot na buhay.
Ayon sa ulat, nahirapang maiuwi ang labi ng biktima dahil matarik ang daan papunta sa kanilang bahay.
Samantala, nagpi-picnic din sa gilid ng ilog sa Manabo, Abra ang pamilya ng 3-anyos batang lalaki nang malunod ito.
Bigla na lang daw napansin ng kaniyang ina na nawawala na ang bata.
Makalipas ang ilang oras, nakita nalamang umano ng isang mangingisda na wala nang buhay ang bata. —LBG, GMA News
